Tuesday, January 10, 2012

Orange Rose...

*Buwaya sa kalsada*

          Napadaan ako sa flower shop uli.... mga naggagandahang bulalaklak. Pang-akit sa mga mata ng mga taong nagdaraan. Pinakamatingkad pa din ang aking pansariling paborito sa lahat. Orange rose nga naman. Wala na akong pasok. Maaga pa naman. Gusto ko munang magmuni-muni. Napakadaming tao. Akala mo mga busy. Pero ang totoo, yung iba sa kanila nagpapakabusy lang. Nagsawa na akong kausapin ang sarili ko na ang  main subject ko ay ang mga di kanais-nais na mga nangyayari sa loob ng campus. mga sabotaheng nangyayari, di pantay na pagtrato sa mga estudyante, mga isyung kapupulutan talaga ng aral. Mga estudyane blues... Di pa ako isa sa kanila. May boses pa naman ako. Sa tulong ng aking pagsusulat. Ayaw kong magbulagbulagan sa mga nangyayari sa aking paligid. Di ako kontentong nakaupo lamang samantalang ang karapatan ko bilang isang tao na myiembro ng lipunan ay di na pantay at naaapakan na. Idadaan ko na lang sa sulat kamay.

         Salamat naman at masosolo ko na ang upuang ito. Dyahe lang kasi kapag may tumatabi saken na magsyota. Lantaran kumbaga. Ngayon ako’y , mag-isa. Nag-iisip ng mga bagay bagay na magpapasakit nanaman sa aking ulo. Di ko maiwasan na tumingin sa mga taong nagdaraan. Halo-halo, iba-iba... naisip ko tuloy, hanggang kailan ba ang ganitong daloy ng buhay ng tao... nababagot na ang aking pakiramdam. Gusto kong may gawin, pero sa ngayon ako’y tinamaan ng katamaran na pati ang sarili ko mismo di ko na mautusan. Magpapalipas lang ako dito. Heto nanaman, sabi ko na nga ba eh, parating na sila. Makaalis na nga, baka kung ano nanaman yung masaksihan ko. Uuwi ako bandang alas-kuwatro. Nauuhaw na ko. Makabili nga ng fruit shake. Kinse pesos, yun lang ang budget ko. Ayos! Nakita ko Small Fruit Shake-Php15. Gusto ko na tuloy makipagbuno. Sabihin ba namang Php25 na. Grabe! Sige na nga tamad ako ngayong araw na ‘to eh... Uhaw na uhaw na talaga ako at eto talaga ang gusto ko. Sa susunod magtutubig na lang ako. Yung tig-sampung piso! Ang hirap talaga ng buhay... Todo higpit sa paglalabas ng pera. May mga ibang tao, kala mo kung umasta di apektado ng krisis. Ang labas sa ganitong sitwasyon, pabor pa rin ito sa mga mayayamang patuloy na nagpapayaman, at ang apektado naman talaga ay ang mga taong mas mahirap pa sa daga ang buhay.

         Ayan na, sige na uuwi na ako. I need to deal with tricycle drivers. Bato bato sa langit ang tamaan sana bumukol. Naranasan mo na ba na sumakay ka sa tricycle nila, pagkatapos sisingilin ka nila ng sobra-sobra? Sila pa ang matigas, sila pa ang mataray... Naisip mo ba na di pa nag-iissue ng fare hike? Kahit piso lang ang sukli mo, kunin mo, sapagkat di kelanman mabubuo ang limang piso kapag kulang ng isang piso. Ang gusto ko lang naman na sabihin, hanggang sa patuloy nating kinukunsinti ang mga ganitong klase ng tao, mga abusado, ay patuloy sila sa paggawa nito. Pare-pareho lang naman tayo na tao. May nakasabayan pala ako noong isang araw na matandang lalaki. Dayo. Nakikipag-usap sa mamang driver ng tricycle, sabi ng matanda “ grabe kayo dito, kung maningil ng pamasahe daig pa ang konduktor ng bus. Sa lugar naming, doon sa  Hudlom City, kapag dayo ka doon at di mo alam yung pasikot sikot sa lugal, ihahatid at ihahatid ka  nila sa pupuntahan mo, kahit pa malayo yun, sisingilin ka lang nila ng tama.” Natatawa na lang ako sa matanda habang nakikinig sa kanyang litanya. Tama nga naman. Kung iisipin, kahit pala sa kalsada madaming nagkalat na buwaya. Di lang pala sa gobyerno meron ng ganun. Tama na ang lamangan. Kaya di  na siguro umunlad-unlad ang bayang sinilangan dahil patuloy tayong kumakain ng sobra-sobra. Sana naman di ako makatagpo uli ng isang buwayang sakim.

        Ayaw na ayaw ko yung nalalamangan... Next stop, bus station! Buti pa dito kahit papanu komportable ka, sulit mo pa ang bayad, dyahe lang kapag may mga center seat. Kompara sa hari ng kalsada (JEEPNEY), punuan na nga, di ka pa makaupo ng maayos. Ipit na ipit ka pa. Ang singil, ganun pa din. Tao nga naman talaga oo... Sabi ko nga kanina pa, lahat tayo ay pare-parehong tao. May kanya- kanyang pinagdadaanan sa buhay. Sino ba naman ang may gusto na palagi na lang nalalamangan ng kanyang kapwa?

           Nais ko lang mag-iwan ngayon ng isang simpleng mensahe : “Tao ka, may karapatan, gamitin mo ito upang ipaglaban ang iyong sarili sa anumang mga panglalamang ng iyong kapwa,sabihin mang maliit na bagay ang mga yun, tandaan lang palagi na ang  lahat ng maliit nakakapuwing, ang gatuldok na mantsa ay nakakadumi pa din.”


                                                                               



No comments:

Post a Comment